Wika nga ng nakararami, ang buhay natin ay maihahalintulad sa isang aklat. Ito ay may iba’t ibang yugto at kabanata na kung saan halo-halong emosyon ang nagbibigay-kulay. Anomang maging kulay ng ating kabanata, ang pinakamahalaga ay ang kalakip nitong mabuting aral at karanasan na ating magagamit sa pakikibaka sa hinaharap.
Katulad ng lahat ng taong nilalang sa mundo, ako man ay may paboritong kabanata ng aking buhay. Sa tuwing akin itong naaalala, ako ay naluluha sa tuwa.
Ilang linggo bago dumating ang araw na kung kailan naganap ito, idinalangin ko sa Panginoong Diyos na ako ay biyayaan ngkaligayahan.
Hindi ako bihasa sa pagsusulat ngunit sa pamamagitan nito, nais kong ibahagi kung paano dininig ng Diyos ang aking panalangin.
Ika-12 ng Nobyembre, araw ng Sabado. Gumising ako ng maaga dahil ang mga Katekistang Lingkod sa aming parokya, ang grupong aking kinabibilangan nang mga panahong yaon ay naimbitahang dumalo sa pagdiriwang ng pagkabanal ni Bro. Charles de Foucauld(He was beatified by Pope Benedict XVI on November 13, 2005 and is listed as a martyr in the liturgy of the Catholic Church.)
Umaga ng araw na ito, kasabay ko sana ang aking kasamahang Katekista sa pagpunta sa simbahan. Ngunit nang siya ay aking sunduin sa kanilang bahay, napag-alaman ko sa kanyang ina na siya ay nauna nang umalis sa akin. Kung kaya, ako ay mag-isang bumiyahe patungo sa simbahan. Nang ako ay bumaba na sa jeep, huminto sa paglalaro ng basketball sa liwasan ang isang mabuting kaibigang minsan ko lamang makausap dahil sa parehas naming kawalan ng panahon. Ako ay kanyang binati at kinumusta. Dahilan sa pagmamadali na baka mahuli sa aming lakad, hindi natapos ang aming kumustahan. Binigay na lamang niya sa akin ang kanyang numero upang sa text ituloy ang kwentuhan (wala siyang dalang telepono dahil sa kanyang paglalaro).
Ang nabanggit na pagdiriwang ay ginanap sa San Carlos Seminary.Lingid sa aking kaalaman, ito pala ay napakalaking salu-salo. Naunawaan ko lamang ang tunay na kahulugan at dahilan ng aming pagdalo, nang kami ay makarating sa mismong lugar na pagdarausan ng pagtitipon. Naroon sa pagdiriwang ang Arsobispo ng Maynila na si Gaudencio Rosales. Sa lugar na yaon, marami kaming nakilala. Iba’t iba ang lahi ng mga bisita. Maraming nakahaing pagkain at ang lahat ay masaya. Maraming bumeso-beso sa akin at ako ay binati. Isa sa aking mga kuya ang nagsabi, “God provides.” Bago matapos ang gabi ng buong araw na pagdiriwang, kami ay lumapit sa Arsobispo upang magpabasbas. Nang ako ay kanyang basbasan, binanggit niya na ako ay biyayaan ng Diyos ng kaligayahan. Sinabi din niya na naalala niya sa akin ang kanyang kapatid, dahil tulad ko, ang araw na iyon ay napakahalaga sa amin.
Noon ko naalala ang aking ipinalangin sa Diyos. Dinalangin ko na ako ay biyayaan ng kaligayahan na siya namang isa sa mga isinambit ng arsobispo sa kanyang pagbabasbas sa akin. Naalala ko din ang sinabi ni Kuya Rhoi na “God provides.” Matapos nito ay aking binalikan ang buong araw na nagdaan.
Ika-12 ng Nobyembre ang araw ng aking kapanganakan. Idinalangin ko sa Panginoon na ako ay biyayaan ng kaligayahan sapagkat ako ay may pagsubok na pinagdaraanan. Umaga pa lamang ng aking kaarawan, muli akong ngumiti dahil kinausap ako ng isang mabuting kaibigan. Nang kami ay dumating sa pagtitipon, maraming pagkain ang nakahain. Wari ba’y ipinaghanda ako ng PAnginoon at nangumbida siya ng aking mga bisita mula sa iba’t ibang parte ng mundo. Ibinigay pa Niyang biyaya na ako ay personal na mabasbasan at ipagdasal ng mahal na arsobispo. Nang araw na iyon, nalimutan ko ang lahat ng problema. Pinunan ng Diyos ang lahat ng kakulangan sa akin. Naramdaman ko ang lubos na pagmamahal kung kaya ako ay taos pusong nagpapasalamat sa lahat. Nang ako ay makauwi sa amin, biglang sumagi sa aking isipan ang magpasalamat sa isang taong naunang magpangiti sa akin. Sa dami ng aking biyayang natanggap naramdaman kong nararapat ko siyang pasalamatan, bilang unang biyayang aking nakamit sa ganap na ika-6 pa lamang ng umaga.
Lingid sa aking kaalaman, ang biyayang aking hiniling ay panghabangbuhay pa lang mapapasaakin, mula sa araw na inasam kong ito ay makamtan. Sa darating na Sabado, ika-12 ng Nobyembre, anim na taon na ang nakalipas… buong ngiti at pasasalamat naming aalalahanin ang araw na kung saan kami ay naniniwalang ang Diyos ay nagbigay-daan upang kami ay mapalapit sa sa puso at isip ng isa’t isa.